--Ads--

Nakapagtala ng kasaysayan ang isang Pilipino na si Garth Talusig mula sa Lubo, Tanudan, Kalinga matapos masungkit ang prestihiyosong Caballero Universal 2026 sa ginanap na kompetisyon sa Caracas, Venezuela.

Si Talusig ang kauna-unahang Pilipino at Asyano na nagwagi sa nasabing international competition, isang makasaysayang tagumpay na muling nagdala sa lalawigan ng Kalinga sa pandaigdigang entablado.

Bago nito, nakamit ni Talusig ang titulong Caballero Universal Filipinas 2026 sa prestihiyosong Great Man of the Universe Philippines 2026 pageant, na naging daan upang katawanin niya ang Pilipinas sa pandaigdigang kompetisyon.

Mula sa simpleng pamayanan ng Lubo, Tanudan, hanggang sa international stage, naging bahagi ng kanyang tagumpay ang determinasyon, tiwala sa sarili, at pagsusumikap na maabot ang kanyang mga pangarap.

Sa makasaysayang tagumpay na ito, hindi lamang ang kanyang bayan at lalawigan ang kanyang binigyang karangalan kundi maging ang buong sambayanang Pilipino.

Matatandaang ipinahayag din ni Talusig ang kanyang kumpiyansa na maiuuwi niya ang korona nang matanong siya sa programang Good Morning Philippines sa Bombo Radyo Baguio na kanya namang naiuwi.