--Ads--

Isang aksidente sa kalsada ang naganap noong Pebrero 5, 2026, bandang alas-9:00 ng umaga sa kahabaan ng Kennon Road, Millside, Camp 6, Camp 4, Tuba, na kinasasangkutan ang dalawang miyembro ng PNP at isang foreign national. Naiulat ang insidente sa Tuba Municipal Police Station bandang alas-9:30 ng umaga sa parehong araw.

Ayon sa imbestigasyon, ang aksidente ay naganap nang mawalan ng kontrol si Mr. Harpert Hundal, 33 taong gulang na Indian national at negosyante, habang sinusubukang kunin ang kanyang cellphone sa kanyang bulsa. Ang kanyang minamanehong Toyota HiAce Van (plate number DAI 5032) ay bumangga sa isang L300 van, isang emergency vehicle ng Barangay Camp 4, na pinamumunuan ni PCOL Joe Silang Le-is, kasama si PCOL Mark Aries Castillo De Vera, parehong naka-assign sa Tuba MPS.

Ang L300 van ay pababa mula Camp 6 patungong Camp 4 habang nagsasagawa ng mobile patrol at road clearing operation. Ang Toyota van naman ay pumasok sa La Union–bound lane, dahilan upang mabangga nito ang L300 van. Sa lakas ng impact, naitulak ang L300 van ng humigit-kumulang limang metro at parehong sasakyan ay napunta sa La Union–bound lane.


Dahil sa aksidente, si PCOL Le-is ay nagtamo ng multiple injuries, abrasions, at lacerations sa kanyang mga tuhod at kaliwang binti, habang si PCOL De Vera ay nagkaroon ng hiwa sa ika-5 daliri ng kanang kamay at nagrereklamo rin ng body pain. Ang driver ng Toyota van, si Mr. Hundal, ay walang natamong pinsala.

Ang dalawang PNP personnel ay agad na naihatid sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) sa tulong ng Tuba MDRRMO para mabigyan ng agarang medikal na atensyon.

Sa panig ng sasakyan, parehong nakaranas ng pinsala ang L300 van at Toyota HiAce van sa harap at kaliwang bahagi. Dinala ang Toyota van sa Tuba MPS para sa dokumentasyon, habang ang L300 van ay naiwan ngunit na-secure ng mga nakaduty na pulis. Bagama’t hindi pa matukoy ang kabuuang halaga ng pinsala, nagkasundo ang dalawang partido na ang pag-aayos ng mga sasakyan ay sasagutin ni Mr. Hundal.

Ayon sa mga pulis, si Mr. Hundal ay paakyat ng Baguio mula Manila nang mangyari ang aksidente.

Ang insidenteng ito ay paalala sa lahat ng motorista na maging maingat sa pagmamaneho at iwasan ang paggamit ng cellphone habang nasa kalsada upang maiwasan ang mga aksidente at panganib sa kapwa.| via Jay-an Gabrillo