Sugatan ang isang barangay kagawad matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa kahabaan ng provincial road sa Barangay Riang, Peñarrubia, Abra, Miyerkules ng umaga, Marso 11.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong 8:51 ng umaga nang makatanggap ng impormasyon ang duty personnel sa Triangle, Poblacion, Peñarrubia mula sa isang concerned citizen kaugnay ng umano’y pamamaril sa nasabing lugar.
Agad rumesponde ang mga pulis upang beripikahin ang ulat at pagdating sa pinangyarihan ay natagpuan nila ang isang lalaki na nakahandusay sa gilid ng kalsada.
Ang biktima ay isang 42-anyos, may-asawa, kasalukuyang barangay kagawad at residente ng Barangay Riang, Peñarrubia, Abra.
Agad siyang isinugod sa Abra Provincial Hospital upang mabigyan ng agarang lunas.
Samantala, agad ding ipinaalam sa Police Tactical Operations Center (PTOC) ang insidente upang maalerto ang mga kalapit na himpilan ng pulisya at magsagawa ng spot checkpoint para sa posibleng pag-aresto sa suspek.
Naabisuhan din ang Abra Provincial Forensic Unit (PFU) upang tumulong sa imbestigasyon.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa pamamaril.









