--Ads--

BAGUIO CITY-Naniniwala ang legal officer ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) – Northern Luzon na ‘pambobola’ at ‘papogi-points’ lamang ng pamahalaan ang planong pagpasa sa draft ng Bangsamoro Basic Law (BBL).

Iginiit ni Atty. Yaser Guru, legal officer ng NCMF-Northern Luzon na kulang ang sinseridad ng nasyonal na pamahalaan para makamtan ang tunay na katiwasayan sa Mindanao.

Naniniwala ito na hindi ang BBL ang solusyon sa kaguluhan sa Mindanao lalo na’t nagpapatuloy ang bakbakan sa Marawi City gayundin ang planong gawing federal ang sistema ng gobyerno.

Aniya, ang bakbakan sa pagitan ng militar at Maute-local terror group ay isang dahilan para maging kwestionable ang BBL.

Inihalintulad ni Guru ang mga kasapi ng Maute group sa mga lamok na madali lamang mapuksa sa pamamagitan ng katol subalit granada at bomba ang ginagamit ng pamahalaan para mapuksa ang mga ito.