Naghahanda ang pamahalaan ng British Columbia sa Canada na magsampa ng kaso laban sa OpenAI dahil sa umano’y kabiguang iulat sa mga awtoridad ang mararahas na aktibidad sa ChatGPT ng suspek sa isang school shooting na ikinasawi ng walong katao noong Pebrero.
Ayon kay British Columbia Attorney General Niki Sharma, nais nilang papanagutin ang OpenAI dahil hindi umano nito ipinaalam sa law enforcement ang mga mararahas na prompts ng suspek bago ang insidente sa Tumbler Ridge.
Nauna nang sinabi ng OpenAI na na-ban nito ang account ng suspek noong Hunyo 2025 ngunit wala umanong indikasyon noon ng nalalapit na pag-atake. Iginiit din ng kumpanya na pinalakas na nito ang mga safety measures at mahigpit nitong ipinagbabawal ang paggamit ng ChatGPT para sa karahasan.
Noong Abril, humingi rin ng paumanhin si OpenAI CEO Sam Altman sa mga residente ng Tumbler Ridge dahil sa hindi pag-abiso sa mga awtoridad matapos ma-ban ang account ng suspek.
Nauna nang nagsampa ng hiwalay na kaso sa California ang mga pamilya ng mga biktima laban sa OpenAI kaugnay ng insidente.











