Nagpasimula na ang Baguio City Police Office (BCPO), katuwang ang Cybercrime Unit, ng proseso para sa pagpapatanggal ng mga online post at video na may kaugnayan sa umano’y mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga mag-aaral mula sa dalawang pampublikong paaralan sa lungsod.
Ayon kay BCPO City Director P/Col. Ruel Tagel, saklaw ng hakbang ang mga post at video na kumakalat online kaugnay ng dalawang magkahiwalay na insidente na kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Kabilang dito ang isang account na nag-post ng mga detalye tungkol sa ilan sa mga menor de edad na sangkot at tila naghihikayat ng karahasan, kabilang ang mga seryosong banta.
Nauna nang umapela ang pamahalaang lungsod at ang Pinget National High School sa publiko na alisin at iwasang mag-post o magbahagi ng mga naturang video dahil menor de edad ang mga sangkot.
Ayon sa mga awtoridad, maaaring malagay sa panganib ang mga bata dahil sa patuloy na pagkalat ng mga video, kabilang ang posibilidad na makaranas sila ng pampublikong kahihiyan, pangha-harass, panlalait, pagbabanta at iba pang uri ng online abuse.
Sinabi naman ni Mayor Benjamin Magalong na magkahiwalay na tinututukan ang dalawang kaso. Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa mga kinauukulang paaralan at social workers upang matugunan ang mga insidente.
Natukoy na rin ang mga mag-aaral na sangkot sa mga insidente.
Hinimok ni Magalong ang publiko na hayaan ang pulisya, mga opisyal ng paaralan at social workers na magsagawa ng nararapat na interbensyon, habang pinoprotektahan ang pribasiya, dignidad at kapakanan ng mga menor de edad.











