Humiling ang Commission on Higher Education (CHED) ng bagong mapagkukunan ng kita sakaling maalis ang travel tax, kasunod ng pagpasa ng panukala ng House Committee on Tourism.
Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, mawawala sa Higher Education Development Fund (HEDF) ang 85.6% ng taunang pondo nito dahil 40% ng travel tax ay nakalaan sa CHED ayon sa Tourism Act of 2009. Mula 1995 hanggang 2025, umabot sa humigit-kumulang P24.1 bilyon ang kontribusyon ng travel tax para sa scholarship at akademikong programa.
Nilinaw ni Agrupis na hindi tutol ang CHED sa pagbawi ng travel tax, ngunit humihiling sila ng kapalit na pondo. Ilan sa mga mungkahing alternatibo ay:
-Karagdagang 4–5% mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO)
-5% na kontribusyon mula sa Government Financial Institutions (GFIs) o Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs)
-Bahagi mula sa Gaming Revenue Share ng PAGCOR
-Bahagi mula sa Special Education Fund (SEF)
-Bahagi mula sa mga bagong buwis tulad ng Digital Revenue Taxes
-Bahagi mula sa Corporate Social Responsibility (CSR) ng pribadong sektor
Ani House Committee on Ways and Means Chair Miro Quimbo, mahalaga ang mga programang pinopondohan ng travel tax, ngunit hinihikayat ang pagbabago sa pinagmumulan ng pondo upang payagan ang mas malayang pagbiyahe ng mga mamamayan.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., umaasa siyang bibigyang prayoridad ng Kongreso ang panukala sa pagbawi ng travel tax.






