BAGUIO CITY – Ipinangako ng Cordillera Regional Police Office (PROCOR) na magbabawas sila ng kabuuang 45,310 pounds o 20,552 kilograms sa mga pulis sa loob ng anim na buwang PNP Mission: Slim Possible.
Ayon kay PROCOR regional director for administration C/Supt. Gregorio Lim, tinatanggap nila ang nasabing challenge.
Sinabi niya ito kasabay ng paglulunsad nila sa programa sa covered court ng Cordillera Police sa La Trinidad, Benguet.
Aniya, 286 na personnel ng regional headquarter, Benguet Police at Baguio City Police ang sumailalim sa weigh-in process bilang pangunahing hakbang sa kanilang pagtanggap sa misyon.
Napag-alaman na isang personnel mula Baguio City Police ang may timbang na 107.5 kgs at siyang pinakamabigat na pulis sa rehiyon.
Sinabi pa ni Lim na bahagi ng Mission: Slim Possible ng PROCOR ang wellness lectures, zumba at taebo activities tuwing Tuesday at Thursday maliban pa sa iba pang personal physical fitness activities para magbawas ng timbang ang concerned participant.