Nasawi ang dalawang indibidwal habang sugatan ang isa matapos mawalan ng kontrol ang isang truck sa Suello Village, Baguio City, 1:30 ng hapon, March 6, 2026.
Nakilala ang mga nasawi na sina Niño Manipon, 45 anyos at Clinton Niegos nasa legal na edad habang nagpapagamot naman ngayon sa ospital ang isa pang pahinante na labing apat na taong gulang.
Samantala, apat sa limang baka na karga ng truck ang nasawi rin sa aksidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Aldrin Saltin, Acting Station Commander ng Baguio City Police Office Station, galing ang truck mula Tuba, Benguet at papunta sana ito sa Slaughter Compound, Baguio City.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Pcapt. Saltin na hindi nila masasabi kung overloading ang dahilan ng aksidente dahil limang baka lamang ang karga ng naturang sasakyan.
Aniya, posibleng nagkaroon ng mechanical defect o lost brake ang truck sa pababang bahagi ng kalsada sa Suello Village, Baguio City na nagdulot ng aksidente.
Aniya, nabangga pa umano ng truck ang isang sasakyan at ang concrete barrier ng kalsada.
Dahil sa lakas ng impact, dead on the spot ang dalawang biktima habang itinakbo sa pagamutan ang batang biktima na sa ngayon ay nasa mabuting kalagayan.
Samantala, sinabi ni Pcapt. Saltin na nacoordinate ang nangyari sa concerned family at dinala ang mga labi ng biktima sa isang punerarya sa lungsod.
Sa ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang aksidente. //mp4











