Hinarang ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang access sa online game na GoreBox sa Pilipinas matapos umano itong mabigong tugunan ang mga pangamba sa posibleng mapaminsalang epekto nito.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, binigyan ng ahensya ng due process at pagkakataon ang developer na ipaliwanag kung paano nito mapipigilan ang harmful effects ng laro, ngunit hindi ito nakapagbigay ng tugon.
Sinabi ni Aguda na mutual agreement ang naging desisyon na i-block ang platform at hindi unilateral na hakbang ng DICT.
Noong Hunyo, pansamantalang ipinagbawal ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang GoreBox matapos itong maiugnay sa isang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlo at ikinasugat ng 20 iba pa.
Sinisiyasat ng PNP kung may impluwensya ang laro sa marahas na kilos ng isa sa dalawang menor de edad na suspek.











