ABATAN, BUGUIAS – Patay ang isang responder matapos makuryente habang tumutulong sa pag-apula ng sunog sa Lower Tabaccan, Abatan, Buguias, Benguet kaninang madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Reyniel M. Sanagen, 20-anyos, residente ng naturang lugar.
Ayon kay Fire Officer III Climson Fang-asan ng Bureau of Fire Protection (BFP) – Buguias, tumutulong si Sanagen sa pagresponde sa sunog nang aksidente niyang maapakan ang live wire na naging sanhi ng kanyang pagkakakuryente.
Ayon pa kay Fang-asan, nakatanggap sila ng tawag bandang ala-una ng madaling araw hinggil sa nasusunog na mga bahay sa Lower Tabaccan.
Ang insidente ay nagsimula dakong alas-12 ng hatinggabi at naideklara ang fire-out pasado alas-3 ng madaling araw.
Kinilala ang mga may-ari ng mga nasunog na bahay na sina Puring Pucol, 70, at Rosita Pucol, 50.
Isa sa mga bahay ay gawa sa light materials habang ang isa naman ay konkreto.
Tinatayang aabot sa Php945,000 ang halaga ng pinsala sa naturang insidente.
Sa ngayon, pansamantalang nakikitira ang dalawang apektadong pamilya sa kanilang mga kamag-anak.
Kaagad na rumesponde ang mga residente kasama ang mga tauhan ng BFP, PNP, at iba pang volunteers upang maapula ang sunog.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng insidente.
Bilang tugon sa sunod-sunod na mga insidente ng sunog, muling nagpaalala si Fang-asan sa publiko na:
- Siguraduhing tanggalin ang mga hindi ginagamit na appliances na nakasaksak.
- Bantayan ang mga bata upang maiwasan ang paglalaro ng posporo o lighter.
- Huwag pabayaan ang niluluto sa kalan.
- Iwasan ang paggamit ng mga paputok.
Siguruhing maayos ang kalidad ng mga binibiling Christmas lights at iba pang lighting materials ngayong Pasko//mp4