--Ads--

BUGUIAS, BENGUET – Sugatan ang dalawang indibidwal matapos mahulog ang kanilang sinasakyang puting van sa bangin sa Bayoyo, Buyacaoan, Buguias, Benguet kaninang hapon sa pagitan ng alas-5 hanggang alas-6.

Ayon sa ulat mula sa Buguias Municipal Police Station, nakilala na ang mga biktima, subalit hindi pa isinapubliko ng mga awtoridad ang kanilang pagkakakilanlan habang patuloy pa ang imbestigasyon. Napag-alamang ang mga biktima ay isang lalaki at isang babae.

Batay sa paunang imbestigasyon, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver habang binabagtas ang madulas nakalsada, dahilan upang mahulog ang van sa bangin.

Napag-alamang accident-prone area ang lugar kung saan nangyari ang insidente.

Kasalukuyang nagpapagaling ang mga biktima sa Northern District Hospital.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung saan nanggaling at saan sana patungo ang dalawa bago maganap ang aksidente.