Bangued, Abra – Panibagong insidente ng pamamaril ang naganap sa Daily Dose, Zone 6, Bangued, Abra, bandang alas-singko ng hapon kanina, ngunit naiparating sa mga awtoridad pasado alas-sais ng gabi.
Ang mga biktima ay sina Dr. Francisco Beleno Beria Jr., isang dentista, at Odilon Peru Peria, isang guro mula sa Abra High School at residente ng Zone 3, Bangued, Abra. Agad rumesponde ang mga tauhan ng Bangued Municipal Police Station (MPS) sa lugar ng insidente.
Pagdating nila sa lugar, natuklasan na si Mr. Peria ay dinala na sa Seares Memorial Hospital, ngunit idineklara siyang dead on arrival ng attending physician. Nagtamo si Mr. Peria ng tatlong tama ng bala sa kanang bahagi ng likod (na siyang entry point), dalawang exit wounds sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib, at isang tama ng bala sa kanyang kaliwang kamay.
Samantalang si Dr. Beria naman ay natagpuang wala nang buhay sa mismong lugar ng krimen, may tama ng bala sa kaliwang templo.
Ayon sa mga imbestigador, bago ang pamamaril, si Mr. Peria ay nakaupo sa isang mesa malapit sa bakod kasama ang kanyang kasamahan na si Charlon Guliban Blaquera, isang guro sa Abra High School at residente ng Zone 6, Bangued, Abra.
Samantalang si Dr. Beria ay nakaupo mag-isa sa kabilang mesa. Ayon sa mga saksi, isang suspek na nakasuot ng helmet ang lumapit kay Mr. Peria at pinagbabaril ito mula sa likod ng apat na beses.
Agad na tumakbo papasok ng café si Mr. Blaquera upang magtago at nakita niyang tinamaan sa ulo si Mr. Peria. Ang suspek ay mabilis na tumakas patungo sa hindi pa natutukoy na direksyon.
Dahil sa insidente, agad na humingi ng tulong ang Bangued MPS sa Abra Provincial Forensic Unit (PFU) upang iproseso ang crime scene. Habang isinasagawa ito, nagsagawa naman ang mga awtoridad ng hot pursuit operation upang maghanap ng mga posibleng suspek.
Nakuha ng PFU ang tatlong empty shells mula sa isang Caliber .45 sa lugar ng insidente.
Hanggang ngayon, patuloy ang imbestigasyon at hindi pa tiyak ang motibo ng pamamaril.