Ang kawalan ng interes sa pagpaparehistro ng mga mamamayan sa Kabayan, Benguet ay isa sa mga hamon na kinakaharap ng Commission on Elections (COMELEC)-Kabayan.
Ayon sa opisina, may ilang indibidwal na nagpaparehistro lamang kapag nalalapit na ang eleksyon. Gayunpaman, inaasahan na ito ng kanilang tanggapan dahil karaniwan na itong nangyayari tuwing papalapit ang halalan.
Batay sa patuloy na isinasagawang satellite registration, hindi gaanong marami ang nagpaparehistro. Sa isang araw, dalawa hanggang tatlong indibidwal lamang ang karaniwang nagtutungo sa kanilang tanggapan upang magparehistro.
Ibinahagi ni Election Officer Penrad na isa sa mga dahilan ng mababang bilang ng mga nagpaparehistro ay ang layo ng kanilang tirahan mula sa registration area. Dagdag pa rito ang abala sa paghahanapbuhay ng ilan kaya’t hindi agad nakakapaglaan ng oras para magparehistro.
Sa pinakahuling datos, umaabot sa 10,430 ang rehistradong botante sa Kabayan. Gayunman, hindi kabilang dito ang 375 indibidwal na hindi na kwalipikadong makaboto dahil sa pagkamatay, paglipat ng rehistrasyon, o pagkabigong makaboto sa dalawang magkasunod na halalan.
Samantala, sinabi ng opisyal na kapansin-pansin ang pagdami ng mga kabataang nagpaparehistro sa kasalukuyan, bunsod ng patuloy na isinasagawang satellite registration ng kanilang tanggapan.










