
Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) Region 2 laban sa driver ng dump truck na nakabangga sa isang pampasaherong jeep, na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong indibidwal at pagkasugat ng ilang pasahero sa Luna, Isabela.
Makikita sa viral video na nawalan ng kontrol ang dump truck at pumasok sa kabilang linya, kung saan mabilis na paparating ang jeep at hindi na nakaiwas pa sa truck, na siyang naging dahilan ng trahedya.
Ayon sa Show Cause Order, ang driver ay inaakusahan ng paglabag sa batas trapiko sa kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle.
Binigyan siya ng tatlong (3) araw mula sa pagkakatanggap ng SCO upang magsumite ng kanyang paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho.
Kung hindi siya makapagbigay ng paliwanag, ituturing ito bilang pagbabalewala sa kanyang karapatan na madinig ang kanyang panig, at ang kaso ay pagpapasiyahan batay sa ebidensyang hawak ng ahensya.
Tinututukan ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang kasong ito at tiniyak niya na mananagot ang driver sa mga paglabag sa batas trapiko na nabanggit laban sa kanya, kapag napatunayan ito matapos ang imbestigasyon ng ahensya.









