Patuloy na nararanasan ang malamig na temperatura sa munisipyo ng Atok, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Mayor Franklin Smith, sinabi niyang naglalaro sa 5 hanggang 6 degrees Celsius ang temperatura sa kanilang lugar.
Aminado si Mayor Smith na may mga gulay at magsasaka na apektado ng malamig na panahon, ngunit hindi pa niya naibigay ang kabuuang detalye dahil pinagsasama-sama pa ng mga agriculturist ang tamang datos mula sa iba’t ibang barangay bago ito i-report sa opisyal na tanggapan ng munisipyo. Dalawa sa kasalukuyang apektadong lugar ay ang Barangay Paoay at Catubo.
Sa kabila ng itinuturing na magandang panahon, sinabi ni Mayor Smith na bumaba ang bilang ng mga turistang dumadayo sa Atok. Ayon sa kanya, ito ay dahil sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang kasalukuyang hamon. Tinaya ang pagbaba ng tourist arrivals sa munisipyo ng 25% mula sa dati nitong mataas na turnout.
Gayunpaman, inaasahan pa rin ni Mayor Smith ang pagdami ng mga bisita sa ‘summer season’ at lalo na sa pamumukadkad ng mga bulaklak sa Atok.










