--Ads--

BAGUIO CITY – Halos puno na ang reservations ang karamihan sa mga hotels, inns at transient houses dito sa Baguio City para pa rin sa holiday season.

Ayon kay Ronnie Garcia, presidente ng Baguio Volunteer Tourist, Inc., noong buwan pa ng Nobyembre ay marami na sa mga turista ang nagpareserba sa mga bahay-tuluyan sa lungsod.

Sinabi niya na karamihan sa mga nagpareserba ay darating sa lungsod sa Disyembre 23 at inaaasahang mananatili sila dito hanggang sa Disyembre 29 habang ang iba ay hanggang sa susunod na taon.

Ayon pay kay Garcia, pangunahing nais maranasan ng mga turista ay ang malamig na klima ng Baguio City at ang iba’t-ibang programa at aktibidad na inihanda ng lokal na pamahalaan para sa mga bisita sa Pasko at Bagong Taon.

Umaasa naman ito na patuloy ang pagdami ng mga turistang mamamasyal sa lungsod hanggang sa Pebrero para sa pagdiriwang ng Baguio Flower Festival o ang Panagbenga.

Tiniyak pa ni Garcia ang magandang seguridad para sa mga turista at sinabi niya na “negotiable” pa ang rates sa mga bahay-tuluyan dito sa lungsod.