Baguio City- Maitatampok sa Open Bracket ng maiden season ng JG Laranang Contractors Cup ang mga kilalang basketball players na naglaro sa Philippine Basketball Association (PBA) at mga basketbolista sa iba pang malalaking basketball league sa bansa, sa pagsisimula ng laro sa Nobyembre 11.
Pangungunahan ito ni Jason Laranang ang pagsasagawa ng torneo, na layong higit pang itaas ang lebel ng competitive basketball sa Baguio City sa pamamagitan ng pagsasama sama ng mga mahuhusay na manlalaro mula Baguio City at sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kasama ni Laranang sa pagpapatakbo dito sina tournament commissioners na sina Mark Baliton at Cristian Villareal.
Isa sa mga pangunahing aabangan sa torneo ang Open Bracket, kung saan malayan ang mga koponan na kumuha ng mga aktibong varsity player, dating collegiate star, kasalukuyang professional player, dating PBA player, at foreign import.
Kabilang sa mga inaasahang magpapakitang gilas sa hard court sina dating PBA player Vic Manuel, Marvin Hayes at Kyt Jimenez. Mag-uuwi naman ng P200,000 cash prize ang kampeon sa nasabing division.
Sampung koponan ang inaasahang maglalaban-laban para sa kampeonato, kabilang ang mga koponan mula sa labas ng Cordillera na Wild Boys San Fabian, Calasiao, at GM Construction Mangaldan mula sa Pangasinan; Team Zambales Ground Zero; at Team Generals mula sa Nueva Ecija.
Kabilang din sa inaasahang sasabak sa Open Bracket ang Addivay Resto Bar, JG Laranang Construction, Pangasinan Hacienderos, Cobra Kai, at Grumpy Joe na pagmamay-ari ng dating PBA player na si Benedict Fernandez//By: Bombo Jordan Tablac







