--Ads--

Hindi maitago ni Women’s National Master Mhage Sebastian ang kaniyang kasiyahan matapos magwagi sa NCFP 2026 National Women’s Selection na ginanap sa PACE HQ sa Quezon City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi niyang labis siyang nagpapasalamat dahil bilang isang atleta, matagal na niyang pangarap na makasali sa Chess Olympiad, at sa wakas ay natupad na rin ito.

Ikinuwento rin ni Sebastian na bago sumabak sa national selection ay nagmula pa siya sa isang torneo sa Hong Kong, na nagsilbing training ground niya bilang paghahanda para sa NCFP 2026 National Women’s Selection.

Dagdag pa niya, isa sa kaniyang mga inspirasyon sa larangan ng chess si Magnus Carlsen, ang Norwegian chess grandmaster na kinikilala bilang isa sa pinakamahusay na manlalaro sa kasaysayan ng isport.

Ayon kay Sebastian, labis siyang natuwa nang makita nang personal si Carlsen. Aniya, naging “fan girl” siya at hindi napigilang tumalon sa sobrang saya nang makalapit at makapagpapicture sa kaniyang idolo.

Samantala, excited na rin si Sebastian sa kaniyang pagsabak sa 2026 Uzbekistan Chess Olympiad. Aniya, hanggang ngayon ay overwhelmed pa rin siya dahil sa wakas ay magiging bahagi na siya ng opisyal na delegasyon ng Pilipinas para sa naturang torneo.

Sinabi rin niya na isang malaking karangalan ang pagkakataong ito dahil mabibigyan siya ng oportunidad na makalaban sa iba’t ibang mahuhusay na manlalaro at makadagdag ng mahalagang karanasan sa kaniyang karera.

Inihayag din ni Sebastian na hangad niyang makapag-uwi ng gintong medalya para sa bansa, kasunod ng tagumpay ng isang kinatawan ng Pilipinas na nagwagi ng gold medal noong nakaraang taon. Aniya, nais niyang makagawa ng kasaysayan sa pamamagitan ng pag-uuwi ng isa pang gintong medalya para sa Pilipinas.

Ibinahagi rin ni Sebastian na malaking bahagi ng kaniyang tagumpay ang kaniyang pamilya, na nagsisilbing matatag na pundasyon at inspirasyon sa bawat torneo na kaniyang nilalahukan. Bukod dito, sinabi niyang ang kaniyang pananampalataya sa Diyos ang nananatiling pangunahing pinaghuhugutan niya ng lakas at inspirasyon sa lahat ng kaniyang laban.