Nakikiisa ang Muslim Association of Baguio-Benguet sa isang tradisyunal na gawain sa Islam na nagmamarka ng pagsisimula ng bagong buwan sa Hijri calendar. Ito ang nagsisilbing hudyat ng pagsisimula ng Ramadan at pagpasok ng Shawwal, na tanda naman ng pagdiriwang ng Eid al-Fitr.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Shams Maba Monib, pangulo ng nasabing asosasyon, sinabi niyang mas pinaigting sa buwan ng Ramadan ang mga gawaing espirituwal tulad ng mas mahabang pagdarasal, pagbabasa ng Qur’an, at patuloy na pag-alala kay Allah.
Aniya, ito rin ay buwan ng paghingi ng tawad at pagpupuyat upang makapanalangin at mas mapalapit sa Maykapal na si Allah.
Ayon pa sa kanya, ang espirituwal na layunin ng pag-aayuno para sa isang Muslim ay ang paglilinis ng katawan at kaluluwa, paglapit sa Allah, at taimtim na pananalangin. Karaniwang hindi kumakain at umiinom ang mga Muslim mula 6:00 AM hanggang 6:00 PM, at sa gabi lamang maaaring kumain.
Binanggit pa niya na, ayon sa kanilang paniniwala, ang hindi nagsasagawa nito ay hindi maituturing na ganap na Muslim.
Ipinaliwanag din niya na nananatiling pareho ang kanilang mga gawain bilang mga Muslim, sapagkat ang mga aral na itinuro noon ni Propeta Muhammad ay patuloy pa rin nilang isinasabuhay hanggang sa kasalukuyan.









