
Lumilitaw sa imbestigasyon ng Tuba Municipal Police Station na pag-overtake ang naging dahilan ng pagkabangga na ikinasawi ng isang 48-anyos na babae sa Sahaya, Taloy Sur, Tuba, Benguet noong Mayo 1, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCapt. Marlon Papco-o, Deputy at Police Community Relations Officer ng Tuba Municipal Police Station, nakakuha sila ng CCTV footage na nagpapakita sa aktwal na insidente kung saan nag-overtake sa kabilang linya ang isang black van na minaneho ng isang Sudanese national.
Taliwas ito sa unang pahayag ng driver na nagsabing nagkaroon ng mechanical defect ang sasakyan at hindi gumana ang preno.
Ayon kay PCapt. Papco-o, sinubukan ng mga awtoridad na imaneho ang naturang van ngunit wala silang nakitang anumang depekto sa braking system.
Gayunpaman, sinabi ng opisyal na hihingi pa sila ng gabay at masusing pagsusuri mula sa mga eksperto sa sasakyan upang higit pang mapatibay ang imbestigasyon.
Sa karagdagang impormasyon, napag-alaman na ang nasabing van ay nirentahan lamang ng suspek kasama ang kanyang mga kapwa foreign national na estudyante.
Ayon sa may-ari ng van, nang nirentahan ang sasakyan ay nagpakita umano ang mga renter ng lisensyang inisyu sa Pilipinas.
Gayunman, lumalabas sa imbestigasyon na ang aktwal na nagmaneho noong mangyari ang aksidente ay ang suspek, na walang lisensyang inisyu sa Pilipinas. Mayroon lamang siyang lisensyang inisyu sa Saudi Arabia.
Inihayag ni PCapt. Papco-o na kakasuhan ang suspek ng Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property, na may inirerekomendang piyansa na ₱60,000.
Matatandaan na noong Mayo 1, habang naglalakad sa gilid ng kalsada ang biktimang storekeeper, bigla itong nabangga ng naturang black van, dahilan upang siya ay tumilapon.
Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa matinding pinsalang tinamo mula sa aksidente.//via Bombo Noveh Grace Organo








