--Ads--

Kinumpirma ng Office of the Ombudsman na nagsumite na ng counter-affidavit si dating Senate President Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng mga alegasyon ng umano’y pagkakasangkot niya sa flood control kickback scheme.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nasa preliminary investigation stage pa lamang ang kaso at kasalukuyang sinusuri ang reklamo laban sa naging sagot ni Escudero.

Nauna nang sinabi ng Ombudsman na nakalusot na sa fact-finding stage ang reklamong plunder at graft laban kay Escudero.

Batay sa resulta ng imbestigasyon, maaaring ibasura ang reklamo o kaya’y irekomenda ang pagsasampa ng kaso sa Sandiganbayan.

Nauna ring naglabas ang Sandiganbayan Sixth Division ng precautionary hold departure order laban kay Escudero habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Nadawit si Escudero sa isyu matapos ihayag ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na may mga flood control projects umano na inilaan para sa senador kapalit ng 20 porsiyentong commitment fee.

Itinanggi naman ni Escudero ang alegasyon at tinawag itong bahagi ng isang “demolition job.”