--Ads--

Ipinunto ni Father Manny Flores ng Diocese of Baguio na ang Araw ng Ash Wednesday, bilang simula ng paghahanda para sa Kuwaresma, ay pagkakataon upang tanungin ang sarili kung karapat-dapat bang sumunod kay Kristo, magpakumbaba, at humingi ng tawad sa Lumikha.

Sa panayam sa Bombo Radyo, sinabi niya na ito rin ay panahon ng pagninilay bago ipagdiwang ang muling pagkabuhay ni Hesukristo, kaya’t mahalagang seryosohin ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pag-aayuno at pagsunod sa tinatawag na “abstinence.”

Aniya, ang Ash Wednesday ay paalala sa lahat ng ginawa ni Hesukristo—ang kanyang tagumpay laban sa kadiliman upang magdala ng liwanag sa mundo. Dahil dito, iginiit niya ang kahalagahan ng seryosong pag-aayuno at pagninilay.

Mahalaga umano ito dahil nagiging daan ito upang tunay na maunawaan at maranasan ang sakripisyo ni Hesukristo, bilang paghahanda sa selebrasyon ng kanyang muling pagkabuhay.

Ipinunto rin niya na ang araw na ito ay pagkakataon para suriin ang sarili, kilalanin ang mga nagawang pagkukulang, at simbolikong “mamatay” sa kasamaan upang muling mabuhay sa kaluwalhatian ni Lord Jesus Christ.