Kinumpirma ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na bumaba na ng 50% ang tourist arrivals sa City of Pines, habang tumaas naman ng 250% ang fuel cost.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Magalong na kapansin-pansin ito dahil maluwag ang trapiko, lalo na tuwing weekend.
Ayon sa kanya, karaniwan ay dagsa na ang mga turista bago ang Holy Week, ngunit ngayon ay makikitang manageable pa rin ang sitwasyon.
Dagdag pa ng alkalde, bumaba rin ang ridership ng 30–35%. Aniya, ito ay batay sa kanyang pakikipag-usap sa dalawang malalaking kompanya.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na mas malaking problema ang mataas na presyo ng krudo, dahil maraming biyahe ang nalulugi at nananatiling minimal ang pagtaas ng pamasahe.
Samantala, posibleng tumaas ang occupancy sa mga hotel sa Huwebes, ayon sa mga miyembro ng HRAB, ngunit nananatili pa rin itong mababa kumpara sa nakaraang taon, gayundin noong Enero at Pebrero ngayong taon.
Ayon pa sa alkalde, posibleng bumaba pa ng hanggang 60% ang occupancy sa mga susunod na linggo.
Inamin ni Magalong na nakababahala ang sitwasyon, kaya naman gumagawa ang lokal na pamahalaan ng economic continuity plan upang matiyak na matutugunan ang kasalukuyang problemang pang-ekonomiya.










