ABRA PROVINCE – Sugatan ang isang sundalo matapos ang sagupaan ng 50th Infantry Battalion at mga miyembro ng Kilusang Larangang Guerilla (KLG) North-Abra sa Barangay Nagcanasan, Pilar, Abra kahapon, Abril 2.
Kasunod nito, sinuspinde rin ngayong araw ang mga klase sa elementarya at sekondarya sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Pilar, Abra.
Sinabi ni Army Major Rigor Pamittan, tagapagsalita ng 5th Infantry Division, nagsagawa ng security operation ang 50th Infantry Battalion sa lugar nang makasagupa nila ang mahigit kumulang 15 katao na miembro ng armadong grupo pasado alas onse ng umaga at bandang alas singko ng hapon, kahapon.
Kung saan tumagal ng limang minuto ang bakbakan bago umatras ang mga Komunistang Gerilya.
Ani Army Major Rigor Pamittan, prioridad nila ngayon ang kaligtasan ng mga residente sa naturang lugar.
Kaunay nito, hinimok ng nasabing opisyal ang publiko na agad na ipagbigay alam sa kasundaluhan ang presensiya at maling gawain ng mga armadong grupo sa nasasakupang lugar.
Sa kasalukuyan, pansamantalang nananatili sa gymnasium ng Poblacion, Pilar, Abra ang mga residente ng Barangay Nagcanasan para sa kanilang kaligtasan.
Una na ring naipamigay ang tulong sa mga residente para sa kanilang pangunahing pangangailangan.
Tinutugis naman ng mga otoridad ang iba pang natitirang miyembro ng Kilusang Larangang Guerilla (KLG) North-Abra.