BOKOD, BENGUET โ Patay ang isang indibidwal habang sugatan ang kanyang kasama matapos mahulog sa bangin ang kanilang delivery van sa North Luzon, Ambuklao Road, Bokod, Benguet kahapon, Agosto 24.
Ayon kay Police Captain Lyster Abag ng Bokod Municipal Police Station, nangyari ang aksidente pasado alas-singko ng hapon.
Kinilala ang nasawing driver na si Ace Gamueda Cirilo, 39-anyos, residente ng Holy Ghost Extension, Baguio City, dahil sa matinding sugat sa ulo.
Nakaligtas naman si Ray Tanggana Humiwat, 47-anyos, residente ng Aurora Hill, Baguio City. Siya ay nakakilos pa at nakaakyat sa kalsada, kung saan siya nakita ng mga residente na agad tumawag ng tulong.
Ayon pa kay PCapt. Abag, nadulas umano ang sasakyan dahil sa malakas na ulan, dahilan para mawalan ng kontrol ang driver. Nahulog ang van sa bangin na tinatayang may lalim na 100 metro.
Nag-deliver ng mga parcel ang dalawang driver sa Poblacion, Bokod at pauwi na sana sa Baguio City nang mangyari ang aksidente.
Muling nagpaalala ang pulisya sa mga motorista na maging maingat, lalo na kapag masama ang panahon, upang maiwasan ang ganitong aksidente.//via Bombo Cara Sacyaten