BAGUIO CITY — Muling iginiit ni Mayor Benjamin Magalong na walang lugar sa lungsod ang karahasan, bullying, harassment at anumang uri ng pang-aabuso, lalo na kung mga bata at kabataan ang sangkot.
Ito ay kasunod ng pagkakatala ng dalawang magkahiwalay na insidente na kinasasangkutan ng mga menor de edad na mag-aaral sa lungsod.
Ayon kay Magalong, inaasikaso na ng Baguio City Police Office (BCPO) sa ilalim ni P/Col. Ruel Tagel, katuwang ang mga opisyal ng paaralan at social workers, ang dalawang kaso.
Hinimok din ng alkalde ang publiko na huwag nang ipakalat ang isang video na may kaugnayan sa isa sa mga insidente upang maiwasan ang karagdagang online abuse laban sa mga menor de edad.
Aniya, bagama’t hindi kinukunsinti ang anumang uri ng karahasan sa mga kabataan, mahalaga ring igalang ang dignidad, privacy at kapakanan ng mga batang sangkot.
Nanawagan siya sa publiko na huwag nang mag-share, mag-repost o muling magpakalat ng video, dahil maaari itong maglantad sa mga menor de edad sa public shaming, harassment, pang-iinsulto, pagbabanta at iba pang uri ng online abuse.
Sa halip, hiniling ng alkalde na hayaan ang mga pulis, school officials at social workers na maayos at makatarungang matugunan ang dalawang magkahiwalay na kaso.
“Let us not amplify violence. Let us protect our children and help build a safer, kinder and more respectful Baguio,” pahayag ni Magalong.
Samantala, kinumpirma ng BCPO na magkahiwalay na inaasikaso ang dalawang insidente at nananatiling kumpidensyal ang mga detalye dahil mga menor de edad ang sangkot.
UNANG INSIDENTE
Naganap umano ang unang insidente sa labas ng school premises ng isang high school bandang alas-3 ng hapon noong Agosto 26, 2026.
Batay sa police investigation report, nagsampa na ng reklamo sa Police Station 2 at natukoy na ang mga menor de edad na sangkot, na inilarawang mga Grade 9 at Grade 10 students.
Ayon kay Tagel, nakipag-ugnayan na ang mga tauhan ng Women and Children Protection Desk (WCPD) sa mga school authorities habang isinasagawa ang nararapat na intervention sa tulong ng mga social worker.
Nakatakda ring magsagawa ng panibagong coordination meeting ang Police Station 2 ngayong Agosto 28 upang talakayin ang kaso at ang mga angkop na intervention para sa mga sangkot.
IKALAWANG INSIDENTE
Samantala, walang naiulat na kumakalat na video kaugnay ng ikalawang insidente.
Kinasasangkutan umano ito ng isang Grade 7 at Grade 9 student mula sa ibang secondary school at iniulat sa Police Station 5 bandang alas-1 ng hapon noong Agosto 27.
Ayon sa pulisya, nangyari umano ang insidente noong Agosto 24, habang recess, sa loob ng isang classroom at nagresulta sa pagkakasugat ng complainant.
Nakipag-ugnayan ang WCPD personnel sa school principal at class advisers. Isinagawa rin ang dialogue kasama ang mga mag-aaral at kanilang mga magulang o guardians.
Inaasahan namang ipatutupad ng paaralan ang kaukulang administrative sanctions kaugnay ng insidente.










