La Trinidad, Benguet – Umani ng atensyon sa social media ang isang nakakatawa ngunit makahulugang karatula mula sa mga estudyante ng Benguet State University, partikular sa mga nag-aaral ng Agronomy.
Sa karatula ay nakasaad ang mga katagang: “Awan Agtaktakaw ti haan yo nga mula. Plss kud ay… Thesis Daytoy Apo, From Student nga adda sakit nakemna nga tinakawam!!!”
(Walang magnanakaw ng hindi niya pananim, para ito sa thesis! Mula sa estudyanteng masama ang loob dahil ninakawan mo!)
Sa panayam ng Bombo Radyo sa kanilang thesis adviser, naganap ang pagnanakaw ng ilang pananim na patatas noong nakaraang buwan. Ibinahagi ng guro na pabiro niyang iminungkahi sa mga estudyante na gumawa ng karatula, at laking gulat niya nang aktwal itong isagawa ng mga ito.
Ang mga patatas ay bahagi ng thesis project ng mga estudyante at nakatakda sana para sa data gathering. Ngunit nang bumisita sila sa kanilang thesis area, laking dismaya nila nang mapansing nabawasan na ang kanilang mga pananim.
Hinala ng grupo, nangyari ang pagnanakaw sa gabi dahil kinaumagahan nila ito nadiskubre. Kuwento pa ng isang instructor, nakakatawa man pero nakakainis rin ang insidente dahil matapos hukayin ang patatas ay ibinalik pa umano ng magnanakaw ang ugat ng pananim.
Dagdag pa ng guro, ito na ang pinakamatinding insidente ng pagnanakaw ng pananim na kanilang naranasan. Aminado rin siyang hindi ito ang unang pagkakataon na may nanakawan ng pananim sa lugar, dahil ilang ulit na rin itong nangyari sa nakaraan.
Sa kabila ng insidente, masaya namang ibinalita ng thesis adviser na matagumpay na natapos ng mga estudyante ang kanilang thesis at inaasahang makapagtatapos ngayong buwan.//Via Bombo Noveh Organo