Inihayag ni Retired Police Brigadier General Glenn Dumlao, Regional Director ng LTO-Cordillera, na malinaw ang kawalan ng disiplina ng drayber ng colorum na van na hinabol ng mga tauhan ng ahensya noong Linggo, matapos itong hindi huminto sa kabila ng dalawang beses na pagharang ng mga traffic enforcer.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dumlao, sinabi niyang nadiskubre na ang naturang drayber ay may marami pang hindi naaayos na paglabag sa mga patakaran sa trapiko. Kabilang dito ang pagmamaneho nang walang lisensya, hindi pagsusuot ng helmet, hindi wastong dress code, obstruction sa trapiko gaya ng pagparada sa driveway, paglabag sa Anti-Distracted Driving Act, at iba pang paglabag na nananatiling hindi pa nareresolba.
Dagdag pa ni Dumlao, may natanggap na rin silang mga reklamo na umano’y “subtle” o agresibo ang pagmamaneho ng nasabing drayber, dahilan upang hilingin ng ilang nagrereklamo ang pagpapawalang-bisa ng lisensya nito.
Dahil sa serye ng mga paglabag, inirekomenda ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang pagkansela ng driver’s license ng indibidwal, gayundin ang habambuhay na pagbabawal sa muling pagkuha ng lisensya.
Ayon kay Dumlao, layunin ng hakbang na ito na magsilbing aral sa mga may-ari at operator ng mga van, at upang mahikayat ang publiko na iwasan ang pagrenta ng mga colorum na sasakyan.
Nilinaw din ni Dumlao na hindi na isinailalim sa drug test ang drayber dahil wala umanong indikasyon na may kinalaman sa ilegal na droga ang insidente. Sa kasalukuyan, naka-impound ang van at naglabas na rin ang LTO ng show cause order laban sa drayber.
Samantala, napag-alamang walong pasahero ang sakay ng van, kabilang ang mga matatanda at mga bata. Ayon kay Dumlao, kapansin-pansin ang panginginig ng ilan sa mga pasahero matapos ang insidente.
Nang tanungin kung bakit walang nagsampa ng reklamo laban sa drayber, ipinaliwanag ni Dumlao na hindi maaaring pilitin ng LTO ang mga pasahero na maghain ng reklamo. Gayunpaman, tiniyak niyang ligtas na nakarating ang mga pasahero sa Bulacan at Maynila, kung saan sila nagmula.











