Aminado ang isang opisyal ng National Police Commission–Baguio City (NAPOLCOM) na may naitalang mga kaso ng pang-aabuso ng ilang tauhan ng pulisya sa rehiyon ng Cordillera.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Solidad Benwaren ng NAPOLCOM–Baguio City, labing-isang (11) reklamo ang kanilang natanggap laban sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP). Sa mga ito, anim (6) ang isinailalim sa summary hearing habang lima (5) naman ang hindi naituloy.
Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa mga pulis ang Conduct Unbecoming of a Police Officer at Misconduct.
Hindi naman tinukoy kung aling mga lugar sa rehiyon ang may pinakamaraming naitalang reklamo laban sa mga pulis.
Iginiit ni Benwaren na hindi dapat matakot ang publiko na magsumite ng reklamo o mag-ulat sa kanilang tanggapan sakaling may makitang iregularidad sa hanay ng pulisya.
Bukas ang tanggapan ng NAPOLCOM–Baguio City mula Lunes hanggang Biyernes. Kinakailangan lamang ng mga magrereklamo na magsumite ng affidavit at kaukulang ebidensya sa opisina.











