Kaunti lamang ang naging epekto ng tinatawag na “andap” o frost sa Atok, Benguet ngayong taon, ayon sa Department of Agriculture (DA) – Cordillera. Bagama’t isa itong karaniwang problema sa rehiyon tuwing taglamig, limitado ang naitalang pinsala sa mga pananim sa Barangay Madaymen at Paoay.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lito Mocati, Agriculture Production Coordinating Officer ng DA-Cordillera, limang magsasaka lamang ang naapektuhan ng frost. Karamihan sa kanilang mga pananim na nasira ay repolyo, strawberry, patatas, at ilang uri ng lettuce. Tinatayang umabot sa 30% ng mga pananim ang naapektuhan, ngunit hindi ito kasing-laki ng naunang iniulat ng ilang istasyon ng balita na nagsasabing 4,000 magsasaka ang apektado.
Ipinaliwanag ni Mocati na mas gusto ng ilang magsasaka na maayos na maiparating sa media ang impormasyon upang maiwasan ang maling pagkaintindi at pangamba, lalo na sa mga residente ng Metro Manila. Aniya, ang maling balita tungkol sa malawakang pinsala ay maaaring magdulot ng panic buying at unnecessary na pangamba sa publiko.
Dagdag pa ng opisyal, patuloy ang pagmamatyag ng DA-Cordillera sa lagay ng panahon at sa estado ng mga pananim sa Atok. Binanggit din niya ang kahalagahan ng paggamit ng tamang agrikultural na teknolohiya.










