--Ads--

Mag-uumpisa na ngayong araw ang twin highlight ng Panagbenga Festival sa lungsod ng Baguio.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Andrew Piñero, tagapagsalita ng Baguio Flower Festival Foundation Inc. (BFFFI), sinabi niyang inaasahan ang pagdagsa ng malaking bilang ng mga kalahok mula sa iba’t ibang lalawigan at munisipalidad para sa Grand Street Dance Parade.

Magsisimula ang parada mamayang alas-8 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon.

Magsisilbing panauhing pandangal ngayong araw si Vince Dizon, Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Samantala, ang ambassador mula sa Japan ang magsisilbing panauhing pandangal sa Marso 1, 2026.

Kabilang din sa mga espesyal na panauhin sina Patrick Gregorio, chairman ng Philippine Sports Commission; ang ambassador mula sa Poland; at si Francis Zamora, President ng League of Cities of the Philippines.

Para naman sa Grand Floral Float Parade na gaganapin sa Linggo, sinabi ni Piñero na 30 float ang lalahok, habang apat ang non-competing entries.

Sa Large Category, tatanggap ng hanggang ₱1,000,000 ang kampeon; ₱400,000 ang mapupunta sa ikalawang puwesto; at ₱300,000 sa ikatlong puwesto.

Sa Medium Category, ₱350,000 ang para sa unang puwesto; ₱250,000 sa ikalawa; at ₱150,000 sa ikatlo.

Samantala, sa Small Category, ₱100,000 ang matatanggap ng unang puwesto; ₱50,000 sa ikalawa; at ₱30,000 sa ikatlo.

Ayon kay Police Colonel Ruel Tagel, City Director ng Baguio City Police Office (BCPO), pinalakas ang deployment ng mga pulis sa mga boundary, advance command post, at iba pang pangunahing lugar.

Ipatutupad ang tatlong-layer na seguridad sa mga parada, kung saan ipapakalat ang 2,357 police personnel, interns, volunteers, at iba pa.

Nakataas sa heightened alert status ang kanilang hanay bago, habang, at pagkatapos ng mga pangunahing aktibidad ng Baguio Flower Festival.