--Ads--

Mas pipiliin umano ni Wilson Bumay-et, presidente ng Baguio-Benguet Jeepney Federation, ang pagtaas ng pamasahe kaysa sa ayudang ibibigay ng pamahalaan sa sektor ng transportasyon.

Ito ay sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Bumay-et, mas mainam ang pagtaas ng pamasahe kaysa sa pamimigay ng tulong pinansyal dahil hindi naman aniya lahat ng tsuper ay mabibigyan ng ayuda. Dagdag pa niya, marami pang prosesong pagdaraanan bago makarating sa kanila ang naturang tulong.

Mas pinapaboran niya ang panukalang P3 na dagdag-pamasahe dahil aniya ay mas makikinabang ang buong sektor ng transportasyon kumpara sa limitadong ayuda.

Kung maaprubahan, sinabi niyang maaaring maging P16 ang minimum na pamasahe mula sa kasalukuyang P13 sa tradisyunal na jeepney, habang P18 naman mula sa P15 sa mga modernized jeepney.

Samantala, hindi pa gaanong nararamdaman sa Baguio-Benguet ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, ngunit inaasahang mararamdaman ito sa mga susunod na linggo.