--Ads--

Dismayado ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide sa pagbawi ni President Ferdinand Marcos Jr. sa planong pagtataas sana ng pasahe ngayong araw kung saan isang piso sa mga traditional jeepney at dalawang piso sa mga modernized jeepney.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Mody Floranda, National President ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), sinabi niyang sa halagang isang piso lamang ay binawi pa ito ng presidente. Aniya, ang dapat umanong binawi ng gobyerno ay ang mga batas na nagpapahirap sa mga drayber at operator, tulad ng Oil Deregulation Law, pati ang excise tax at VAT sa langis.

Iginiit ni Floranda ang nasabing hinaing at sinabi rin na patuloy pa rin umano nilang hihilingin ang pagbasura ng mga ito.

Sa pag-umpisa ng kanilang protesta ngayong araw, sinabi ni Floranda na tuloy-tuloy ang iba’t ibang anyo ng kilos-protesta sa mga susunod na araw laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Layunin din ng protesta na singilin si Pangulong Marcos at kwestyunin kung paano niya tutulungan ang mga mamamayan, lalo na kung ang mismong transport group ay nawawalan ng karapatan sa kakarampot na kita na dapat ay ibinibigay sa mga drayber at operator.

Ayon kay Floranda, kapag umabot na sa P120 ang bawat litro ng diesel, kusang mawawala at hihinto ang serbisyo ng pampublikong transportasyon—hindi lamang ang jeepney kundi lahat ng ruta—dahil hindi na kakayanin ng mga operator.