Inilarawan ni Dr. Clarito De Francia, Bombo International News Correspondent sa California, United States, ang misyon ng Artemis II bilang mas malaki pa sa “bundok.” Ibig sabihin, ito ay higit pa sa isang napakalaking proyekto at hindi lamang isang simpleng eksplorasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi niyang hindi lamang para sa Amerika ang nasabing misyon, kundi para sa buong mundo. Ipinaliwanag niya na bagama’t sentro ang Estados Unidos sa proyektong ito, layunin din nitong buksan ang oportunidad sa iba pang mga bansa na makilahok at makapagsaliksik sa buwan.
Ayon pa sa kanya, malawak ang magiging landing area ng nasabing misyon kaninang umaga.
Ipinahayag din ni De Francia na ang interes ng publiko sa Estados Unidos hinggil sa misyon ay tinatayang nasa 60%. Gayunpaman, aminado siyang may mga hindi interesado. Aniya, ang pangkalahatang hati ng interes ay 60-30-10, kung saan karamihan sa mga interesado ay mula sa hanay ng mga mamamahayag at mass media. Para sa kanya, mahalaga ang Artemis II dahil ito ay bahagi ng kasaysayan ng mundo.
Paliwanag pa niya, hindi lamang lalabas sa mundo ang mga Amerikano upang ipakitang sila ang nangunguna, kundi ibabahagi rin nila sa buong mundo ang anumang kanilang matutuklasan.
Sa kabila ng makasaysayang layunin ng misyon, inamin ni De Francia na may ilang tumututol dito, bagama’t hindi na niya idinetalye ang mga dahilan ng kanilang pagtutol.
Ito ay kanyang nabanggit nang tanungin kung may mga grupo o indibidwal na kumokontra sa proyekto.
Samantala, binigyang-diin niya na kahanga-hanga ang teknolohiya ng Estados Unidos, na patuloy na ginagaya at pinag-aaralan ng ibang bansa.
Dagdag pa niya, kapansin-pansin ang napakalaking puhunan ng Amerika sa larangan ng artificial intelligence, na umaabot sa trilyong dolyar.











