Naaprubahan na ang isang resolusyon na naglalayong hilingin sa Baguio City Police Office (BCPO) na magsumite ng ulat hinggil sa sitwasyon ng ilegal na sugal sa Lungsod ng Baguio.
Sa panayam ng Bombo Radyo, kinuwestyon ni Baguio City Councilor Atty. Lourdes Tabanda kung may umiiral ngang iligal na pasugalan sa lungsod.
Nauna rito, iminungkahi nina Baguio City Councilors Van Oliver Dicang at Yuri Weygan, kasama si Sangguniang Kabataan Federation President John Rhey Mananeng, ang isang ordinansa na nagbabawal sa mga kumpanyang may kaugnayan sa pagsusugal na mag-sponsor, mag-promote, o makilahok sa mga aktibidad at festival na sinanction ng Lungsod ng Baguio. Layunin nitong mapanatili ang mga pampublikong pagdiriwang na may halagang pampamilya at maprotektahan ang mga kabataan at iba pang vulnerable na sektor mula sa impluwensya ng industriya ng sugal.
Ayon kay Konsehal Tabanda, ikinatuwa niya ang pagkakapasa ng naturang resolusyon. Ipinaliwanag niya na ito ay kaugnay ng paghahanap ng katotohanan kasunod ng mga ulat at insidente, kabilang ang umano’y pagsabog sa isang sinasabing illegal gambling site sa Lower Magsaysay at ang isang video ng isang American vlogger na nagpakita ng hinihinalang gambling site. Gayunman, iginiit ng pulisya na walang katotohanan ang mga naturang ulat.
Giit pa ng konsehal, mas mainam na ang BCPO ang magsumite ng aktwal na ulat, lalo’t may magkasalungat na pahayag mula sa ilang taxi at jeepney driver na nagsasabing may ilegal na sugal sa lungsod, habang pinaninindigan ng pulisya na wala.
Sa kabila ng ilang linggong lumipas, sinabi ni Tabanda na wala pang naipapasang ulat sa kanilang tanggapan kaya’t maaari umanong ipatawag ang hepe ng BCPO at iba pang opisyal upang linawin ang tunay na sitwasyon sa lungsod.
Giit niya, mahalagang matukoy kung mayroon nga bang ilegal na sugal sa Baguio City o wala.




