Binatikos ng House prosecution panel ang panibagong petisyon ng mga tagasuporta ni Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema, na anila’y isa na namang hakbang upang maantala ang impeachment trial.
Kinuwestiyon sa petisyon ang awtoridad ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na pamunuan ang paglilitis.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, malinaw na layunin ng kampo ni Duterte na ipagpaliban ang proseso, habang sinabi naman ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na nagiging katawa-tawa na ang sunod-sunod na petisyon.
Samantala, sinabi ni impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol na hindi muna sila magkokomento dahil nakabinbin na ang usapin sa Korte Suprema.
Nasa ikalawang araw na ang impeachment trial ni Duterte, kung saan tinatalakay ang Article IV ng Articles of Impeachment kaugnay ng umano’y grave threats laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.










