Binalaan ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, presiding officer ng impeachment court, ang prosecution at defense teams na iwasang magbigay ng mga pahayag na tila pangwakas na argumento habang nagpapatuloy ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Ang babala ay kasunod ng pahayag ni Atty. Amando Ligutan ng prosekusyon na tinawag ni Escudero na maaga pa, at sinabi ni Sen. Pia Cayetano na tila closing statement.
Ayon kay Escudero, hindi niya papayagan ang ganitong mga pahayag mula sa alinmang panig kahit pa tugon ito sa tanong ng isang senador-hukom. Hinimok din niya ang mga senador na hayaang ang mga testigo ang maglahad ng ebidensya sa halip na ang mga abogado ang magpresenta ng mga argumento.
Nagpaalala rin si Sen. Alan Peter Cayetano sa kanyang mga kapwa senador na iwasan ang mga tanong na maaaring makaapekto sa patas na pagdinig.
Kasabay nito, nagpapatuloy ang pagtalakay ng impeachment court sa ikaapat na artikulo ng impeachment complaint laban kay Duterte kaugnay ng umano’y pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kanyang pamilya. Nakatakdang tanungin ng depensa si NBI Senior Agent John Mark Calilung kaugnay ng mga video na iniharap bilang ebidensya.










