Nagsimulang maging mambabatok si Lorena Bas-il, isang traditional tattoo artist mula sa Buscalan, Kalinga, sa edad na 23 bago niya tuluyang nahasa ang kanyang kasanayan sa tradisyunal na pagtatattoo.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa programang Good Morning Philippines nitong Hulyo 20, 2026, sinabi ni Bas-il na kabilang siya sa grupo ng mga tinuruan ni Apo Whang-Od at kapitbahay niya rin ang kinikilalang master tattoo artist.
Ibinahagi niya na nagsimula ang kanyang pag-aaral sa mambabatok nang minsang magkasama silang nakaupo at tinanong sila ni Apo Whang-Od kung bakit hindi sila nagsasanay sa pagbabatok. Ayon kay Bas-il, sinabi rin ni Apo Whang-Od na kapag wala na siya ay maaaring mawala rin ang tradisyon ng pagbabatok kung walang magpapatuloy nito.
Dahil dito, hinikayat umano sila ni Apo Whang-Od na pag-aralan at ipagpatuloy ang tradisyunal na sining ng pagbabatok o pagtatattoo.
Ayon kay Bas-il, dalawa sa kanilang pamilya ang mambabatok.
Malaki rin umano ang naitulong ng pagbabatok sa kanyang buhay. Aniya, sa pamamagitan ng kanyang kinikita rito ay nakapagtapos siya ng kolehiyo. Tuwing weekend ay umuuwi siya upang tumulong sa pagbabatok, at ang kanyang kinikita ang ginagamit niya bilang allowance, pambayad sa upa, at iba pang gastusin sa pag-aaral.
Sinabi rin ni Bas-il na nakikita niyang ipagpapatuloy niya ang tradisyunal na pagtatattoo dahil itinuturing niya ang sarili bilang tagapagdala ng kanilang kultura. Aniya, saan man siya magpunta ay dala niya ang tradisyong ito sapagkat bahagi na ito ng kanyang pagkakakilanlan at kinalakihan.
Nagtapos si Bas-il ng kursong Education at nais din niyang makapagturo balang araw habang ipinagpapatuloy ang pagiging mambabatok.
Para kay Bas-il, mahalagang mapanatili ang tunay na kahulugan ng tradisyunal na tattoo. Aniya, noong unang panahon ay sumisimbolo ito ng kagandahan para sa mga kababaihan at katapangan naman para sa mga kalalakihan.
Samantala, patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga turistang nagpapatattoo sa Buscalan, Kalinga.
Ayon kay Bas-il, mas maraming bumibisita tuwing weekend, na umaabot sa mahigit 100 katao kada araw, habang nasa 500 hanggang 600 naman ang bilang ng mga bumibisita tuwing holidays. Marami rin aniya ang mga dayuhang nagtutungo sa Buscalan upang maranasan ang tradisyunal na pagbabatok.











