--Ads--

Ipinaliwanag ng isang eksperto sa batas na walang immunity from suit habang nasa termino ang isang nakaupong bise presidente, at ang pangulo lamang umano ang may ganitong immunity, batay sa mga desisyon at pagpapaliwanag ng Korte Suprema.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Edgar Avila, Legal Luminary at dating Dean ng College of Law ng Saint Louis University (SLU), sinabi niyang magkaiba ang impeachment at criminal case. Aniya, ang impeachment ay proseso para sa pagtanggal sa puwesto ng isang opisyal, habang ang criminal case ay may kaugnayan sa mga paglabag sa Revised Penal Code at iba pang batas penal.

Binigyang-diin ni Avila na separate and distinct ang dalawang proseso at hindi nangangahulugang maaantala ang impeachment proceedings dahil lamang sa pagkakaroon ng criminal case.

Nang matanong kung unconstitutional ang paglabas ng warrant of arrest, sinabi ni Avila na kailangang mapatunayan muna na mayroong grave abuse of discretion sa naging aksyon ng hukom. Kailangan din umanong mapatunayan na may malice o masamang intensyon sa pag-isyu ng warrant of arrest.

Iginiit niya na hindi dapat agad sabihing unconstitutional ang warrant of arrest hangga’t walang sapat na ebidensiyang magpapatunay nito.

Ayon pa kay Avila, dapat sundin ang standard operating procedure matapos mailabas ang warrant of arrest, kabilang ang pagkuha ng mugshot bago ang proseso ng pag-bail. Gayunman, sinabi niyang wala namang “hard rule” kung saan kailangang isagawa ang pagkuha ng mugshot.

Aniya, maaari itong gawin sa tanggapan ng akusado, kasabay ng pagpirma sa arrest form at pagkuha ng fingerprints, na maaaring isumite sa kanyang abogado.

Naniniwala rin ang abogado na maaaring magkaroon ng epekto ang usapin sa impeachment proceedings, lalo na’t mga senador ang magsisilbing impeachment court. Gayunman, kwestiyonable para kay Avila kung makukuha ang 16 na boto na kinakailangan upang ma-convict si Vice President Sara Duterte.

Samantala, naniniwala si Avila na mas makabubuting iharap ng depensa si Col. Raymund Dante Lachica, dating pinuno ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG), kaugnay ng mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust laban kay VP Duterte.