Na-expel sa kanilang paaralan ang anim na estudyanteng umano’y sangkot sa pambubully at pisikal na pananakit sa isang kapwa estudyante sa Melvin Jones Football Grounds sa Baguio City kamakailan.
Sa panayam ng Bombo Radyo News Team sa lola ng biktima, sinabi nitong nagtamo ang kanyang apo ng mga pasa sa noo, likod ng ulo, at kaliwang bahagi ng dibdib matapos umanong saktan ng anim na estudyante.
Bukod dito, nakaranas din umano ng pagsusuka ng dugo at pagkahilo ang biktima makaraan ng dalawa o tatlong araw pagkatapos ng insidente.
Dahil dito, sumailalim ang biktima sa CT scan, habang hinihintay pa ng pamilya ang resulta ng pagsusuri upang matukoy ang kanyang kondisyon.
Sa ngayon, pinayuhan din umano ang biktima na mag-home school muna matapos ang insidente.
Bagamat na-expel na sa paaralan ang anim na estudyante, nananatili pa rin ang pangamba ng lola para sa kaligtasan ng kanyang apo.
Inaasahan namang magkakaroon ng pag-uusap sa pagitan ng pamilya ng biktima at ng mga pamilyang sangkot sa insidente upang mapag-usapan ang nangyari at ang mga susunod na hakbang at gastos ng pamilya ng biktima.






