Ramdam ni Igorot bodybuilder at International Federation of Bodybuilding and Fitness Pro Qualifier na si Reynold Domalsin ang saya at tila redemption ang pagkakamit niya ng gold at silver medals sa TNT x Global Classic Malaysia Pro Qualifier na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Nasungkit ni Domalsin ang gold medal sa Classic Physique Class A at silver medal naman sa Bodybuilding Middleweight, kung saan ipinamalas niya ang kanyang husay at dedikasyon sa bodybuilding sa international stage.
Sa panayam ng Bombo Radyo, ibinahagi ni Domalsin na bagama’t matagal na siyang sumasali sa mga bodybuilding competition at may sapat nang karanasan sa paghahanda, napagtanto niyang magkakaiba ang bawat preparation dahil nagbabago ang sitwasyon at kondisyon ng kanyang katawan.
Aniya, iba na ang naging reaksyon ng kanyang katawan ngayon kumpara noong siya ay nasa edad 20. Dahil dito, kailangan niyang mag-adjust sa kanyang training, diet, at iba pang bahagi ng paghahanda sa bawat kompetisyon.
Dagdag pa niya, ang bawat preparation ay tila bagong aral at araw-araw ay may panibagong hamon na kailangang harapin.
Ayon kay Domalsin, umaabot na ngayon sa 20 hanggang 25 linggo ang kanyang paghahanda para sa mga bodybuilding competition, mas mahaba kumpara sa 15 linggong preparation niya noong mas bata pa siya.
Ibinahagi rin niya na ang kanyang ama ang nagsilbing inspirasyon at naging gabay niya sa buhay, na nagbigay sa kanya ng blueprint kung paano mamuhay. Aniya, isinasabuhay niya ngayon ang mga aral na kanyang natutuhan mula rito.
Nagpaabot naman si Domalsin ng pasasalamat sa lahat ng mga taong patuloy na naniniwala, sumusuporta, at nagbibigay-inspirasyon sa kanya sa kanyang bodybuilding journey.
Samantala, pinagsama-sama sa TNT x Global Classic Malaysia ang mga physique athlete na naglaban sa iba’t ibang division, kabilang ang Men’s Bodybuilding at Classic Physique.
Bahagi ang kompetisyon ng international NPC Worldwide at International Federation of Bodybuilding and Fitness Pro QualifierPro League circuit, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga atleta na makapagkamit ng professional status sa pamamagitan ng mga itinalagang Pro Qualifier event.










