Kinilala ang Baguio City bilang isa sa Top 10 awardee ng 2026 Galing Pook Awards dahil sa programang Project Denguerra: War on Dengue, na naglalayong maiwasan at makontrol ang pagkalat ng dengue.
Tumanggap din ang lungsod ng Special Citation Award for Resiliency sa seremonya sa Malacañang Palace.
Mula sa 208 na proyektong isinumite ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa, nakapasok ang Project Denguerra sa Top 10 matapos ang serye ng pagsusuri at pinal na ebalwasyon.
Pinangungunahan ng City Health Services Office ang programa na nagtataguyod ng pakikilahok ng komunidad at paggamit ng teknolohiya, gaya ng geotagging, upang matukoy at masubaybayan ang mga lugar na may kaso ng dengue.
Samantala, hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga lokal na pamahalaan na patuloy na pagbutihin ang kanilang mga programa upang higit na mapagsilbihan ang mga mamamayan.
Sa kaniyang talumpati sa 2026 Galing Pook Awards sa Malacañang nito lamang Miyerkules, sinabi ng Pangulo na dapat magsilbing inspirasyon sa ibang LGU ang mga matagumpay na programa at patuloy na pagyamanin ang mga ito.
Sinuri ang mga nominado batay sa epekto sa komunidad, inobasyon, pagpapanatili ng programa, kahusayan sa serbisyo, at kakayahang maipatupad sa ibang lugar.
Mula nang itatag noong 1993, kinilala na ng Galing Pook Awards ang 377 programa mula sa 244 na lokal na pamahalaan sa bansa.











