--Ads--

Nanawagan si Mayor Benjie Magalong sa Commission on Audit (COA) na magsagawa ng special audit sa bilyon-bilyong pisong pondo ng bayan kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara ng ilang probisyon ng pambansang badyet para sa 2024, 2025 at 2026 bilang labag sa Konstitusyon.

Sa isang pahayag, iginiit ni Magalong ang kahalagahan ng pananagutan, katapatan, at pagsunod sa Konstitusyon sa paggamit ng pondo ng pamahalaan.

Partikular niyang hiniling ang pagsusuri sa ₱449.5 bilyong karagdagang unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA), ₱17.99 bilyong karagdagang pondo para sa Special Road Fund sa ilalim ng 2025 GAA, at anumang pondong inilabas alinsunod sa mga probisyong idineklarang labag sa Konstitusyon sa ilalim ng 2026 GAA.

Bukod sa special audit, hinimok din ni Magalong ang Office of the Ombudsman na magsagawa ng malaya at masusing imbestigasyon upang matukoy kung may mga opisyal ng pamahalaan na dapat managot sa ilalim ng batas.

Binigyang-diin niya na kailangang maging patas ang mga proseso, nakabatay sa katotohanan at ebidensya, at may ganap na paggalang sa karapatan ng bawat isa sa due process.

Ayon kay Magalong, dapat tiyakin na ang pondo ng bayan ay ginagamit para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino at walang sinuman, anuman ang posisyon o kapangyarihan, ang dapat ituring na higit sa batas.

Binigyang-diin din niya na karapatan ng mga mamamayan na malaman kung saan napupunta ang kanilang buwis, kaya mahalagang matiyak ang malinaw na pananagutan sa bawat pisong ginagastos ng pamahalaan.

“Utang natin sa mga Pilipinong nagbabayad ng buwis ang buong katotohanan,” diin ni Magalong sa kanyang pahayag.

Dagdag niya, tungkulin ng mga lingkod-bayan na sagutin kung paano ginamit ang pondo ng kaban ng bayan at tiyaking nananaig ang pananagutan sa pamahalaan.