--Ads--

Ipinaliwanag ni Baguio City Congressman Mauricio Domogan na hindi umano “insertions” ang mga proyektong isinusulong ng mga kongresista para maisama sa 2027 national budget.


Iginiit niyang walang naganap na insertion sa mga proyektong isinusulong nila, taliwas sa isyung ibinabato ng iba kaugnay ng 2027 national budget.


Bilang halimbawa, binanggit niya ang mga priority project para sa distrito ng Baguio na inaasahan nilang mapopondohan. Gayunman, nang ilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang listahan ng mga proyektong nabigyan ng pondo, nagreklamo umano sila, kasama ang iba pang mga kongresista sa Cordillera region, dahil hindi naisama ang ibang mga priority projects. Aniya, nakarating pa sa Malacañang ang kanilang hinaing.


Ayon kay Domogan, naisagawa na ang mga kinakailangang paghahanda para sa mga proyekto, kabilang ang program of works, identification, at validation. Binigyang-diin din niyang hindi lamang siya ang nag-identify ng mga priority project, kundi maging si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, batay sa isinagawang prioritization.


Kabilang sa mga proyektong nais nilang mapondohan ang declogging ng City Camp Lagoon at mga tributary creek upang maiwasan ang pagbabara ng daluyan ng tubig. Aniya, mismong si Mayor Magalong ang naglahad ng naturang proyekto kay dating DPWH Secretary Manuel Bonoan Dizon, na nangakong mapopondohan ito sa pamamagitan ng deliberasyon sa Kamara.

Iginiit ni Domogan na kung tinutukoy ni Mayor Magalong ang mga proyektong may insertion sa pambansang badyet, ang mga priority project na pinag-uusapan sa Baguio ay siya rin namang mga proyektong kanyang sinusuportahan.