--Ads--

PULILAN, Bulacan — Kusang-loob na sumuko sa pulisya ang isang 36-anyos na lalaki na umano’y sangkot sa pagdukot sa isang babae sa SM Pulilan matapos ang halos 36 oras na pagtugis ng mga awtoridad, Sabado ng hapon, Nobyembre 7.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Marco,” isang residente ng Bustos, Bulacan at pinsang buo ng 31-anyos na biktimang kinilala sa alyas na “Angela,” na residente rin ng nasabing bayan.

Ayon sa imbestigasyon ng Pulilan Municipal Police Station (MPS), iniwan ng asawa ang biktima sa SM Pulilan sa Barangay Sto. Cristo dakong alas-3:21 ng hapon noong Nobyembre 5.

Makalipas ang mahigit isang oras, nakatanggap ang asawa ng video call mula sa biktima na humihingi ng tulong. Sa nasabing tawag, naipakita ng biktima ang suspek sa camera ng kanyang cellphone, dahilan upang makilala ito ng kanyang asawa.

Iniulat ang insidente sa Pulilan MPS dakong ala-1:30 ng madaling-araw noong Nobyembre 6.

Batay sa karagdagang impormasyon, nakatakas ang biktima mula sa suspek dakong alas-5:00 ng madaling-araw habang nasa Kennon Road sa Baguio City. Agad siyang isinugod sa ospital matapos magtamo ng mga sugat sa leeg na umano’y dulot ng suspek.

Natagpuan din kalaunan ang sasakyang pinaniniwalaang ginamit sa insidente malapit sa lugar kung saan huling nakita ang biktima. Gayunman, nakatakas ang suspek at hindi natukoy ang kinaroroonan nito.

Dahil dito, nagsagawa ang Pulilan PNP ng pinaigting na hot pursuit operation at nakipag-ugnayan sa iba’t ibang yunit ng kapulisan, kabilang ang Police Regional Office 1 (PRO1), Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO-CAR), at Baguio City Police Station upang matunton ang suspek.

Matapos ang tuluy-tuloy na operasyon at panghihikayat ng kanyang pamilya, kusang-loob na sumuko ang suspek sa Pulilan MPS dakong alas-4:00 ng hapon noong Nobyembre 7. Nasa kustodiya na rin ng pulisya ang sasakyang pinaniniwalaang ginamit sa insidente.

Ayon kay PLTCOL ERIC C. CISTER, hepe ng Pulilan PNP, naging mahalaga sa matagumpay na operasyon ang maagap na pagtugon ng mga operatiba, tuluy-tuloy na pagtugis, koordinasyon sa iba pang yunit ng kapulisan, at pakikipagtulungan ng pamilya ng suspek.

Sa kasalukuyan, inihahanda na ng pulisya ang mga kinakailangang dokumento at ebidensiya para sa paghahain ng kaukulang kaso laban sa suspek sa Tanggapan ng Piskalya.

Tiniyak naman ni Cister na patuloy na paiigtingin ng Pulilan PNP ang kanilang mga operasyon upang mapangalagaan ang publiko at matiyak na mapananagot sa batas ang mga mapatutunayang lumabag dito, alinsunod sa umiiral na batas at wastong proseso.