--Ads--

Ikinatuwa ng Commission on Elections (COMELEC) Cordillera Administrative Region (CAR) ang maaga at malinaw na desisyon ng Korte Suprema hinggil sa constitutionality ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), kung saan mula sa tatlong taon ay magiging apat na taon na ang termino ng mga halal na opisyal. Nakatakda namang isagawa ang susunod na BSKE sa Nobyembre 2028.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atty. Julius Torres, Regional Director ng COMELEC-CAR, na nakahinga sila nang maluwag sa naging desisyon ng Korte Suprema dahil maaari na silang magtuon ng pansin sa paghahanda para sa 2028 elections.

Aniya, maaari ring magamit sa susunod na Barangay Elections ang ilang election materials na naihanda na noon. Halimbawa rito ang mga balota na naimprenta para sa naunang nakatakdang halalan ngunit maaari pa ring mapakinabangan sa kabila ng pagbabago sa petsa ng eleksyon, gaya ng nangyari noong nakaraang pagpapaliban ng BSKE.

Dagdag pa niya, nakatipid na rin ang COMELEC dahil sa pagkaantala ng BSKE.

Samantala, inilahad din ni Torres ang posibleng positibo at negatibong epekto ng pagpapahaba sa termino ng mga barangay official.

Aniya, maaaring maging negatibo ito para sa mga residenteng hindi nasisiyahan sa pamumuno ng kanilang mga opisyal dahil mas matagal nilang hihintayin bago magkaroon ng pagkakataong mapalitan ang mga ito.

Sa kabilang banda, kung mahusay naman ang pamumuno ng mga halal na opisyal, mas magiging sapat ang kanilang panahon upang maisakatuparan ang mga programa at proyektong makatutulong sa pag-unlad ng kanilang nasasakupang barangay.

Tiniyak din ni Torres na kayang pangasiwaan ng COMELEC ang dalawang halalan na nakatakdang isagawa sa loob ng dalawang taon.

Batay naman sa datos, pinakamababa ang bilang ng mga rehistradong botante sa Cordillera kumpara sa iba pang rehiyon dahil ito rin ang may pinakamaliit na lawak ng teritoryo. Gayunman, mayroon pa ring mahigit isang milyong rehistradong botante sa rehiyon.

Samantala, hinikayat ni Torres ang publiko na samantalahin ang pagkakataong makapagparehistro nang maaga sa mga tanggapan ng COMELEC.

Aniya, mas mainam na magtungo na sa mga registration office habang wala pang mahabang pila upang maiwasan ang pagsisiksikan sa mga susunod na araw.