--Ads--

Ibinahagi ng ilang blood donor ang kanilang kasiyahan sa pakikilahok sa isinasagawang Dugong Bombo: A Little Pain, A Life to Gain 2026 sa Malcolm Square, Baguio City. Sabay-sabay ding isinasagawa ang blood donation drive sa 25 key cities sa buong bansa bilang bahagi ng taunang programa ng Bombo Radyo at Star FM.

Isa sa mga nagbahagi ng kanyang karanasan ay si Roberto Soriano, 65-anyos, mula sa Irisan, Baguio City, na sa loob ng 13 taon ay aktibong nakikiisa sa blood donation drive ng Bombo Radyo.

Aniya, nag-donate siya ng dugo upang makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan nito. Dagdag pa niya, isa rin sa kanyang dahilan ang paniniwalang nakabubuti sa kanyang kalusugan ang regular na pagdo-donate ng dugo dahil napapalitan ang kanyang dugo.

Kabilang din sa mga nakiisa si Dr. Joseph Bulayungan, 65-anyos, mula sa Kiangan, Ifugao, at isang retiradong manggagamot ng Ifugao General Hospital.

Ayon kay Dr. Bulayungan, nakasanayan na niyang mag-donate ng dugo bilang bahagi ng kanyang pakikilahok sa blood donation drive.

Samantala, isa rin sa mga nakiisa ang isang 21-anyos na intern at estudyante ng Baguio Central University. Aniya, nagdesisyon siyang mag-donate ng dugo upang makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan nito.

Ang mga estudyante ng Baguio Central University ang isa sa mga grupong maagang nagtungo upang ipakita ang kanilang suporta at pakikiisa sa Dugong Bombo 2026 na kasalukuyang isinasagawa ngayong araw sa People’s Park, Malcolm Square, Baguio City.

Samantala, isang babae naman ang nagkuwento na napadaan lamang siya sa lugar at napansin ang blood donation drive na isinasagawa ng Bombo Radyo at Star FM. Nang maalala niyang nakapag-donate na rin siya ng dugo noong nakaraang taon, hindi na siya nagdalawang-isip na muling makiisa sa Dugong Bombo 2026.

Aniya, nagsimula siyang mag-donate ng dugo sa edad na 17 at ginagawa niya ito dalawang beses sa isang taon, depende rin sa pangangailangan ng mga nangangailangan ng dugo.

May isa pang blood donor na ikalawang beses pa lamang nag-donate ng dugo ngunit masaya na siyang nakatutulong sa simpleng paraan sa mga taong nangangailangan, lalo na sa mga pasyenteng may karamdaman.

Aniya, isang kakaiba at makabuluhang karanasan ang pagdo-donate ng dugo dahil alam niyang sa bawat donasyon ay may buhay na maaari siyang makatulong na mailigtas.