--Ads--

Ipinaliwanag ni Atty. Fidel Santos, kinatawan ng mga anti-mining residents sa Kasibu, Nueva Vizcaya, ang mga kasong isinampa laban sa kanya at sa iba pang environmental defenders at mga abogado.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo sa programang Good Morning Philippines nitong Hulyo 19, 2026, sinabi ni Santos na hindi lamang siya ang sinampahan ng kaso kundi maging si Atty. Edu Balgos, na isa ring pro bono lawyer, pati ang iba pang mga kasamahan nilang nagbabarikada at si Florentino Daynos, isang kilalang anti-mining advocate mula sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Santos, matagal na nilang nilalabanan ang operasyon ng Woggle Corporation. Aniya, isa sa kanilang naging tagumpay ang pagpapalabas ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng suspensyon sa exploration activity ng kumpanya, bunga umano ng pagkakaisa ng mga anti-mining groups.

Gayunman, sinabi niyang habang nakabinbin ang aplikasyon ng Woggle Corporation para sa exploration permit, nag-aaplay rin ang North Luzon Minerals Resources Corporation para sa exploration permit sa Kasibu.

Noong Hunyo 25, 2025, nabigyan umano ng exploration permit ang North Luzon Minerals Resources Corporation. Nagsimula ang exploration activities nito at sinundan ng drilling operations noong Enero.

Dahil dito, agad na nagbarikada ang mga residente upang pigilan ang pagpasok ng fuel na kinakailangan sa operasyon ng drilling machines. Ayon kay Santos, halos lahat ng entry points patungo sa drilling sites ay may nakatayong barikada.

Sa kasalukuyan, sinabi niyang may pitong barikada mula sa iba’t ibang barangay na nagsisilbing harang sa mga daan patungo sa drilling sites. Dahil dito, pansamantalang natigil ang drilling operations dahil hindi maipasok ang fuel para sa mga makina.

Dahil umano sa kanilang pagtutol sa pagmimina, sinabi ni Santos na sinampahan sila ng iba’t ibang kaso. Inakala umano nila na ang kanilang mga kliyente lamang ang kakasuhan, ngunit kasama rin pala silang mga abogado sa mga isinampang reklamo ng North Luzon.

Sa ngayon, ayon sa kanya, umaabot na sa 21 kaso ang isinampa ng North Luzon at mga kaakibat nito laban sa mga lider ng anti-mining movement at kanilang mga abogado.

Isa sa mga reklamong isinampa laban kay Santos ay isang cyberlibel complaint na inihain sa Ilagan, Isabela. Kaugnay ito ng kanyang panayam sa isang lokal na himpilan ng radyo sa Bayombong, Nueva Vizcaya, kung saan umano ay may mga pahayag siyang nakasisira sa North Luzon.

Aniya, nasa tanggapan na ng piskal sa Ilagan ang reklamo at binigyan siya ng sampung araw upang magsumite ng kanyang counter-affidavit.

Nang tanungin kung paano nila haharapin ang mga kaso, sinabi ni Santos na nagsagawa sila ng case conference noong Hulyo 18, 2026 na pinangunahan ni Bishop Langanilaw ng Diocese of Bayombong upang talakayin ang kanilang legal na hakbang.

Iginiit niya na itinuturing nila ang mga reklamong ito bilang SLAPP (Strategic Lawsuit Against Public Participation) o mga kasong ginagamit umano upang gipitin at takutin ang mga environmental advocates at mapahina ang kanilang kampanya para sa pangangalaga ng kalikasan, lalo na sa Kasibu.

Nang tanungin kung ano ang posibleng epekto ng mga kasong ito sa environmental defenders at human rights lawyers, sinabi ni Santos na ipinaliwanag nila sa mga pari, obispo at mga residenteng nagbabarikada na hindi sila dapat mawalan ng pag-asa at sa halip ay higit pang patatagin ang kanilang loob.

Ayon sa kanya, layunin ng mga SLAPP suit na takutin at harasin ang mga mamamayan. Gayunman, sinabi niyang mas lalo pang tumatag ang loob ng mga residente nang malaman nilang maging ang kanilang mga abogado ay kinasuhan.

Dahil dito, patuloy umano ang pagbabarikada ng mga residente sa Kasibu habang ginagampanan naman ng kanilang mga abogado ang tungkulin nilang ipagtanggol ang kanilang mga kliyente bilang mga opisyal ng hukuman.

Iginiit din ni Santos na naniniwala silang isang SLAPP suit ang cyberlibel complaint dahil ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang kanilang kalayaan sa pagpapahayag at gumagamit lamang sila ng mga legal na remedyo upang ipaglaban ang mga residente ng Kasibu.

Ipinaliwanag pa niya na wala umanong batayan ang reklamong cyberlibel laban sa kanya dahil hindi siya ang nag-post ng umano’y mapanirang pahayag. Aniya, sa kasong cyberlibel, mahalagang matukoy kung sino ang naglathala ng naturang nilalaman, at hindi umano siya ang nag-post ng kanyang panayam sa lokal na programa sa radyo.

Batay sa kanilang impormasyon, limang drilling holes na ang natapos ng North Luzon bago nahinto ang operasyon dahil sa mga barikada ng mga residente.

Iginiit ni Santos na pangunahing ipinaglalaban ng mga residente ang pangangalaga sa kalikasan dahil itinuturing nilang forest reserve at watershed ang Nueva Vizcaya.

Aniya, malaking tanong sa mga residente ng Kasibu kung bakit nabigyan ng exploration permit ang North Luzon gayong watershed ang buong bayan. Sinabi niyang sa ilalim ng Philippine Mining Act, hindi dapat pinapayagan ang pagmimina sa mga watershed area. Kinuwestiyon din niya kung bakit nagbigay ng permit clearance ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa naturang proyekto.

Ayon din sa mga residente, tutol sila sa pagmimina dahil wala umanong isinagawang tunay na konsultasyon sa komunidad bago ipinatupad ang proyekto. Anila, kinakailangan ang pagsang-ayon ng mga residente bago mabigyan ng exploration permit ang isang mining project.

Iginiit din nila na walang naisagawang Free, Prior and Informed Consent (FPIC) mula sa Bugkalot community bago nabigyan ng permit ang North Luzon.

Samantala, ayon naman sa North Luzon, hindi na kinakailangan ang FPIC dahil sa panahon ng kanilang aplikasyon ay naglabas ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ng Certificate of Non-Overlap (CNO), na nagsasabing hindi saklaw ng ancestral domain ng Bugkalot community ang lugar ng proyekto.

Gayunman, ayon kay Santos at sa iba pang environmental advocates, hindi lamang usapin ng ancestral domain ang kanilang ipinaglalaban. Aniya, ang pangunahing isyu ay kung tunay bang nakuha ang pahintulot ng mga residente bago naaprubahan ang exploration permit.

Iginiit din niyang isang indigenous peoples (IP) area ang naturang lugar dahil dito naninirahan ang mga Bugkalot, Kankanaey, Ibaloi, Kalanguya, at Ayangan.

Samantala, nananawagan si Santos at ang KIRED group sa Kasibu na ipawalang-bisa ang Philippine Mining Act of 1995.

Ayon kay Santos, kung may mga suliraning dulot ng pagmimina sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ang ugat umano nito ay ang mismong Philippine Mining Act of 1995, kaya dapat na itong ibasura.

Iginiit niya na sa halip na mga dayuhan ang higit na makinabang sa likas na yaman ng bansa, dapat umanong ang mga Pilipino at mga lokal na komunidad ang makinabang dito, kabilang ang mga kooperatiba ng mga residente.

Aniya, hindi sapat ang naidudulot na kaunlaran ng malalaking mining companies kumpara sa pinsalang naidudulot nito sa kalikasan at kabuhayan. Dagdag pa niya, hindi dapat isakripisyo ang agrikultura, na pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming mamamayan.

Binigyang-diin ni Santos na malinaw ang paninindigan ng mga residente ng Kasibu: ipawalang-bisa ang Philippine Mining Act of 1995.