--Ads--

Inihayag ni Vice Admiral (VADM) Caesar Bernard N. Valencia PN, Superintendent ng Philippine Military Academy (PMA), na inaasahang mapapabuti ng bagong gusali ang kapaligiran ng pag-aaral at pagsasanay sa akademya, at makatutulong sa paghubog ng mga susunod na opisyal na magtatanggol at maglilingkod sa bansa.

Ayon kay Valencia, mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na imprastraktura na nagbibigay-inspirasyon sa kahusayan. Dagdag pa niya, malaking bahagi ng oras ng mga kadete ang ginugugol sa mess hall, na nagsisilbi ring lugar sa paghubog ng kanilang disiplina at karakter.

Aniya, ang pasilidad ay simbolo ng matibay na ugnayan at pakikipagtulungan ng PMA at SM Prime Holdings Incorporated, at inilaan para sa kasalukuyan at mga paparating na kadete ng akademya.

Umaasa rin si Vice Admiral Valencia na magsisilbi ang gusali bilang paalala ng suporta at pagtitiwala ng bansa sa mga kadete bilang kinabukasan ng sandatahang lakas. Inaasahan din niyang patuloy itong magbibigay-inspirasyon sa kanila na magsikap para sa kahusayan na ginagabayan ng karangalan, katapatan, at tungkulin.

Pinasalamatan din niya ang pribadong sektor sa tiwalang ibinibigay sa institusyon at sa kanilang patuloy na suporta at pangako.

Samantala, sinabi ni Hans Sy, Chairman ng Executive Committee ng SM Prime Holdings Incorporated, na hindi ito ang unang pagkakataon na nagpatayo sila ng gusali para sa isang institusyong pang-edukasyon. Aniya, kabilang ang kanilang grupo sa mga unang sumuporta at nagtatag ng mga ganitong uri ng proyekto.

Ibinahagi rin ng negosyante na isa sa mga patunay ng kanilang matagal nang suporta sa edukasyon ay ang National University (NU), isang pambansang unibersidad na may 125 taong kasaysayan.

Kaugnay nito, ipinahayag ni Sy na maganda at maayos ang master plan ng proyekto. Ipinaliwanag niya na maraming paaralan ang nais magtayo ng karagdagang pasilidad ngunit ang ilan ay kulang sa mahahalagang pasilidad tulad ng mess hall at dormitoryo.

Dagdag pa niya, ang partnership na ito ay magsisilbing panawagan upang mahikayat ang iba pang pribadong sektor na makiisa at tumulong sa iba’t ibang institusyon.| via Bombo Noveh Organo